Mahigit 40 katao ang naiulat na nasugatan matapos ang isang malakas na pagsabog sa isang gasolinahan sa Roma na nagdulot ng malawakang pinsala sa paligid.

Ayon sa mga ulat, naroon na ang mga emergency services sa lugar ng Prenestino noong Biyernes ng umaga, matapos bumangga ang isang fuel tanker sa isang tubo habang binabaybay ang masikip na daanan.

Nagdulot naman ito ng pagtagas ng gas at isang paunang maliit na pagsabog bandang alas-8:00 ng umaga (lokal na oras).

--Ads--

Ilang sandali matapos nito, sumiklab ang isang sunog na sinundan ng isang mas malakas na pagsabog na yumanig sa buong lugar.

Ayon sa pulisya, umabot sa 45 katao ang sugatan sa insidente, kabilang ang ilang mga pulis na rumesponde.

Makikita sa mga kuhang video ang isang dambuhalang bola ng apoy at makapal na itim na usok na pumuno sa himpapawid.

Narinig din ang pagsabog sa iba’t ibang bahagi ng lungsod, at yumanig ito sa mga bintana at gusali sa paligid.

Patuloy naman ang imbestigasyon ng mga awtoridad upang matukoy ang eksaktong sanhi ng insidente at tiyakin ang kaligtasan ng mga residente.