Mahigit 300 bata at kawani ng St. Mary’s School sa Papiri ang dinukot ng mga armadong lalaki noong Biyernes ng madaling-araw, na itinuturing na isa sa pinakamalalang mass abductions na naitala sa Nigeria.

Kinumpirma ng Christian Association of Nigeria na 303 mag-aaral at 12 guro ang sapilitang dinala ng mga salarin, matapos itaas ang bilang mula sa naunang ulat na 215.

Ang bagong bilang ay halos kalahati ng kabuuang populasyon ng paaralan.

--Ads--

Ayon sa grupo, ang revised number ay natukoy “matapos ang isang verification exercise.”

Ang insidente ay naganap sa gitna ng tumitinding karahasan mula sa iba’t ibang armadong grupo sa rehiyon.

Ayon sa lokal na pulisya, sinalakay ng mga armadong lalaki ang paaralan dakong alas-2:00 ng madaling-araw habang natutulog ang mga mag-aaral sa kanilang dormitoryo.

Patuloy naman na nananawagan ang mga pamilya at lokal na komunidad para sa mabilis na aksyon at ligtas na pagbalik ng lahat ng dinukot.