DAGUPAN CITY- Aabot sa mahigit 3 libo ang iaalok ngayon ng Department of Labor and Employment Central Pangasinan sa isasagawamg Mega Job Fair na magaganap sa bayan ng Calasiao na may kaugnayan sa pagdiriwang ng Labor Day.

Ayon kay Rhodora Dingle ang Officer-in-Charge ng nasabing opisina na nasa 3191 ang local job vacancies habang nasa mahigit 700 naman ang overseas job vacancies.

Nasa 27 mga employer naman ang sasali sa kaganapan kung saan 23 ang mga Local Employer habang 4 naman ang Overseas Employer.

--Ads--

Aniya na ito ay isang buwan nilang pinaghandaan upang makiisa sa Nationwide simultaneous Mega Job Fair kaya sa ngayon ay inaayos na nila ang venue sa isang mall na inaasahang dadagsain ng libo-libong job seeker.

Nasa 3 ang gagawing job fair dito sa Pangasinan ngayon araw kung saan isa ang Calasiao para sa Central Pangasinan, Lingayen naman para sa Western Pangasinan at Rosales para sa Eastern Pangasinan.

Bukod sa mga inaalok na trabaho may mga partisipasyon din ang ilang mga ahensya ng gobyerno gaya ng Kadiwa ng Pangulo, DSWD, TESDA, DOH at iba pa na maaring mag-alok ng mga serbisyong nakabatay sa kanilang opisina.

Saad nito na nasa 50-60 % aniya sa mga nag-aapply sa mga ganitong job fair ang nakakapasok sa trabahong kanilang inapplayan.

Samantala, nagbigay payo ito sa mga pupunta bukas na huwag kalimutan dalhin ang mga kinakailangan na requirements gaya ng resume o biodata, school credentials at iba pang dokumento.

Mas maganda aniya na maraming kopya ang dadalhin upang makaapply ng kahit ilan sa mga bakanteng posisyon na nais pasukan para mas malaki ang tyansa na makakuha ng trabaho.