Lumobo sa mahigit 3.6 milyon ang bilang ng mga indibidwal na apektado ng patuloy na pag-ulan sa Central Luzon, batay sa pinakahuling monitoring ng Office of Civil Defense Region 3. Aabot na sa 1,138,632 pamilya o 3,648,580 indibidwal mula sa 1,790 barangay ang kabilang sa mga apektado matapos ang matinding pag-ulan nitong nakalipas na dalawang araw.


Ayon kay Raymond Garcia, Information Officer ng OCD Region 3, walo sa siyam na probinsya sa rehiyon ang nakataas sa Blue Alert status, habang nasa Red Alert ang Angeles City sa Pampanga. Tanging Aurora ang nananatili sa White Alert. Umabot na rin sa 70 lokal na pamahalaan ang nagdeklara ng state of calamity, kabilang ang Bataan, Pampanga, Zambales at Bulacan, habang pinag-aaralan din sa Tarlac ang posibleng deklarasyon matapos masira ang Aquino Bridge at Agana Bridge.


Tinatayang nasa isang bilyong piso ang pinsala sa agrikultura, habang halos isang bilyon at 861 milyong piso naman ang naitalang pinsala sa imprastraktura sa rehiyon. Umabot na rin sa 81 ang hindi madaanang mga kalsada, kabilang ang mga apektadong tulay, habang walong tulay sa Central Luzon ang hindi pa rin maaaring tawiran. Patuloy din ang pagbabantay sa mga ilog na malapit nang umabot sa kritikal na antas upang maiwasan ang karagdagang casualty.

--Ads--


Samantala, umabot na sa 721 evacuation center ang ginagamit sa rehiyon, kung saan mahigit 19,000 pamilya o humigit-kumulang 16,000 indibidwal ang inilikas. Hindi pa matukoy ng OCD ang kabuuang bilang ng mga nasawi dahil hinihintay pa ang kumpletong datos mula sa mga lokal na pamahalaan. Kasabay nito, nagpapatuloy ang pamamahagi ng relief packs sa mga pamilyang apektado ng kalamidad.