BOMBO DAGUPAN — Labis na nababahala ang Federation of Free Farmers hinggil sa naitalang aabot sa humigit 2 million metrikong tonelada na inangkat na bigas sa bansa sa loob ng halos anim na buwan ngayong taon.
Sa panayam ng Bombo Radyo Dagupan, sinabi ni Leonardo Montemayor, President ng nasabing samahan, na ikinatatakot nilang madodoble pa ang kwantidad na ito sa nalalabing 7 buwan ng 2024.
Aniya na sa pagkakataong ito ay hindi nawawala ang posibilidad na aabot sa mahigit 4 milyong metrikong tonelada ang aangkating bigas ng pamahalaan para sa taong ito.
At sa oras na mangyari ito ani Montemayor ay ito na ang magiging pinakamalaking volume ng inangkat na bigas sa buong kasaysayan ng bansa.
Saad pa nito na ang indikasyon nito ay malaking dolyares o pera ang nawawala sa bansa para suportahan ang mga dayuhang magsasaka, at kasabay nito ay nagiging kakumpitensya ng lokal na produksyon ang ipinapasok na bigas sa mga pamilihan mula sa ibang mga bansa.
Maliban dito ay malaki rin ang epekto nito sa pagpapababa ng presyuhan ng bigas at palay sa Pilipinas.
Dagdag pa nito na ang mas masakit pa rito ay bagamat napakalaki ang lebel ng inaangkat na bigas sa bansa ay hindi naman nararanasan ng pangkaraniwang Pilipino, lalo na ang mga mahihirap, ang pagbaba sa presyo nito.
Kaugnay nito ay nakikita naman ni Montemayor na ang magiging pangunahing layunin ng binuong Technical Working Group ni Agriculture Secretary Francisco Tiu Laurel, Jr. ay nakatutok sa pagpapatupad ng Administrative Order na gawing mas madali ang pagpapasok sa bansa ng iba’t ibang agricultural products.
Paliwanag nito na wala namang magiging problema sa pagpapababa ng taripa para sa mga produktong pang-agrikultura na ipinapasok sa bansa kun lehitimo naman ang importasyon.
Gayunpaman, sa kabilang dako, ikinababahala rin nito na sa mas maluwag na pagproseso ng dokumento sa importasyon ay lalo ring magpapalawig ng smuggling sa bansa.
Samantala, nagpahayag naman ito ng pagdududa sa pagtitiyak ng National Economic and Development Authority kaugnay sa puspusan na pagpapatupad ng reduced tariff rate.