DAGUPAN CITY- Isinailalim na sa state of calamity ang bayan ng Calasiao, Pangasinan dahil sa malawakang pagbaha dulot ng habagat, na pinalala pa ng Bagyong Crising at mga low pressure area.
Inaprubahan ng Sangguniang Bayan ang rekomendasyon ng Municipal Disaster Risk Reduction and Management Council upang agad magamit ang calamity fund para sa mga apektado.
Sa kasalukuyan, 17 sa 24 na barangay sa Calasiao ang lubhang binaha, dahilan upang lumikas ang mahigit 18,000 residente.
Kabilang sa mga apektado ang Barangay Nagsaing, kung saan ang baha ay umabot hanggang tuhod.
Ayon kay Brgy. Captain Jose Paris Jr., hindi ito karaniwang nararanasan sa kanilang lugar kaya ikinagulat ito ng mga residente. Patuloy ang monitoring at relief efforts sa barangay.
Samantala, pitong iba pang bayan sa Pangasinan ang isinailalim din sa state of calamity—kabilang ang Dagupan City, Umingan, Lingayen, Mangaldan, Mangatarem, Malasiqui, at Sta. Barbara.
Maraming kabahayan, palayan, at kalsada ang nalubog sa baha, dahilan ng pagsuspinde ng klase at ilang serbisyo publiko. Daan-daang pamilya ang kasalukuyang nasa evacuation centers habang nagpapatuloy ang relief operations.
Malaking dagok din ito sa kabuhayan ng mga magsasaka, kaya’t inaasahang maaaring tumaas ang presyo ng ilang bilihin. Nananawagan ang mga awtoridad sa publiko na manatiling alerto at sumunod sa mga abiso para sa kaligtasan.
Sa Mangaldan, iniimbestigahan din ang napaulat na insidente ng pagkalunod. Patuloy ang pakikipag-ugnayan ng MDRRMO upang makumpirma ang detalye.