Dagupan City – Nais nang magparepatriate ng mahigit 180 overseas Filipino workers (OFW) sa Qatar kasunod ng tumitinding tensyon sa Gitnang Silangan at banta ng pag-atake ng Iran.
Gayunman, wala pa umanong nakalaang flights para sa agarang repatriation, lalo na’t may mga paghihigpit sa airspace upang maiwasan ang banta ng missile attacks.
Ayon kay Lawrence Valmonte, Bombo International News Correspondent sa Qatar patuloy umanong nararanasan sa bansa ang epekto ng paghihiganti ng Iran, kung saan may mga ulat ng halos araw-araw na tensyon sa seguridad.
Dagdag pa niya, nag-anunsyo umano kamakailan ang pamahalaan ng Qatar kaugnay ng kanilang hakbang laban sa Iran, kabilang ang deklarasyon na persona non grata ang ilang opisyal na Iranian sa bansa.
Ibinabala rin na walang bomb shelter sa Qatar, kaya’t posibleng malaki ang maging pinsala sakaling may tumamang missile sa bansa.
Sa kabila nito, tiniyak naman na ang nasa mahigit 250,000 OFW sa Qatar ay nananatiling ligtas at nasa maayos na kalagayan.
Ayon sa mga ulat, may sapat ding kakayahan ang pamahalaan ng Qatar upang mapanatili ang seguridad sa gitna ng umiiral na tensyon sa rehiyon.
Nauna nang nagbabala ang Iran ng posibleng pag-atake sa ilang bansa sa Gitnang Silangan, kabilang ang Qatar, United Arab Emirates, at Saudi Arabia.










