DAGUPAN CITY- Umabot sa kabuoang 180 ang bilang ng mga kabataang lumahok sa isinagawang libreng tuli sa ilalim ng programang medikal na inilunsad kamakailan sa bayan ng Laoac, Pangasinan.

Isinagawa ang aktibidad sa Brgy. Casantiagoan sa nasabing bayan kung saan pinangunahan ito ng pamilya Balderas katuwang ang mga medical professionals, volunteers at nurses.

Ayon kay Genine Nadal-Balderas – Councilor-elect, Laoac, Pangasinan, bago pa man siyang pumasok sa pulitika at panata na nilang pamilya na magsagawa ng libreng tuli, medical at dental mission kada taon.

--Ads--

Aniya, isa itong paraan upang ibalik sa mga kababayan ang pasasalamat sa mga biyayang natatanggap ng kanilang pamilya.

Samantala, bagamat marami ang nagtungo ay may mga ilang hindi nabigyan ng serbisyo dahil sa iba’t-ibang medical conditions.

Isang 6 na taong gulang ang pinakabatang sumailalim sa nasabing programa, habang 22 taong gulang ang pinakamatanda.

Nasa 12 ang kabuoang bilang ng mga medical professionals na nagtulong-tulong upang maisakatuparan ang ligtas at maayos na operasyon.

Layunin ng serbisyong ito na magbigay ng tulong sa mga batang lalaking hindi kayang tustusan ang ganitong serbisyo.

Bukod sa pagtutuli, tinutuan din ang mga kabataan at mga magulang tungkol sa wastong pangangalaga sa kanilang kalusugan.