Naitala ng mga awtoridad ng Pangasinan Police Provincial Office ang pinakamalaking huli ng smuggled cigarettes ngayong taon sa lalawigan matapos masabat ang isang truck na naglalaman ng humigit-kumulang ₱17,651,000 halaga ng mga ilegal na sigarilyo sa bayan ng Agno.

Isinagawa ang matagumpay na operasyon ng Agno Municipal Police Station sa pangunguna ni Police Major Noeralyn Tamayo matapos makatanggap ng direktang tip mula sa isang mamamayan.

Ayon kay Pmaj. Tamayo, lumalabas sa kanilang paunang imbestigasyon na dumaan sa dalampasigan ang mga illegal na sigarilyo sa Barangay Tupa bago ito isinakay para ibiyahe.

--Ads--

Binigyang-diin ng opisyal na batay sa kanilang opisyal na rekord at data, ito ang kauna-unahang pagkakataon na nakapagtala ang bayan ng Agno ng ganitong kalaking kaso ng smuggling sa pamamagitan ng coastal route.

Samantala, ayon kay PCol. Dennis De Leon, Officer-in-Charge at Provincial Director ng Pangasinan Police Provincial Office (PPO) na aabot sa 278 kahon ng hinihinalang smuggled na sigarilyo na nakumpiska sa bayan.

Ayon pa sa opisyal, ito na ang pangalawang malaking huli ng ilegal na sigarilyo sa Pangasinan ngayong taon, kasunod ng naunang operasyon sa bayan ng Labrador na nagkakahalaga naman ng ₱8 milyon.

Binanggit nito na dahil sa laki ng huli, pinalalim pa ng pulisya ang imbestigasyon upang matukoy kung may iba pang ilegal na kontrabando na kasamang naipasok.

Saad nito na dadalhin ang mga nakumpiskang ebidensya sa Headquarters ng Pangasinan PPO habang hinihintay ang direktiba ng hukuman kung ipag-uutos ang pagsunog sa mga ito.

Nakahanda na ang paghahain ng kaso laban sa nahuling driver at pahenante sa ilalim ng Republic Act 12022 o ang Anti-Agricultural Economic Sabotage Act.

Binigyang-diin ni De Leon na ang operasyon ay alinsunod sa mahigpit na direktiba laban sa smuggling mula kay PNP Chief Police General Jose Melencio C. Nartatez Jr. at sa patuloy na gabay ni PRO1 Regional Director Police Brigadier General Crisaleo Tolentino, na nagpadala pa ng legal assistance upang masigurong matibay ang isasampang kaso sa fiscal.

Nanawagan din ang Pangasinan PPO sa publiko na patuloy na mag-ulat ng mga katulad na ilegal na gawain dahil malaki ang negatibong epekto ng smuggling sa ekonomiya ng bansa.

Sa kabilang banda, pinuri naman ni Agno Mayor John Celeste ang mga tauhan ng kapulisan matapos nitong makita ang naging accomplishment nila sa pagkakakumpiska sa mga illegal na sigarilyo.

Saad niya na naging epektibo ang koordinasyon ng komunidad at kapulisan sa pagbibigay ng impormasyon sa mga kahina-hinalang bagay lalo na sa ganitong sitwasyon.

Binanggit niya na dahil sa nangyari ay mas papaigtingin ng LGU ang closed coordination meeting sa komunidad para
matutukan ito at maiwasan ang kahalintulad na sitwasyon.