Patuloy ang rescue at evacuation operations sa Mangatarem, Pangasinan, kasunod ng pagtaas ng tubig ng Agno River na nakaapekto sa ilang lugar sa bayan. Batay sa datos hanggang alas-otso ng gabi, nasa 473 pamilya o 1,507 indibidwal na ang inilikas sa bayan.


Ayon kay PMaj. Arturo C. Melchor Jr., hepe ng Mangatarem Police Station, nagpapatuloy ang pagsagip at pagtugon sa mga residente sa mga apektadong lugar. Kasabay nito ang regular na inspeksyon sa mga establisimyento at pagbabantay sa mga evacuation center, habang nakaantabay ang mga security personnel sa mga lugar na nangangailangan ng agarang responde.


Dagdag niya, Hindi na umano madaanan ng mga light vehicle ang bahagi ng Mangatarem-Urbiztondo Road dahil sa pag-apaw ng Agno River.

--Ads--

Sa kabila nito, wala pang naitatalang insidente ng pagkasawi o iba pang seryosong insidenteng may kaugnayan sa masamang panahon sa bayan. Dagdag ng pulisya, patuloy ang koordinasyon ng iba’t ibang ahensya sa pagtugon sa sitwasyon sa 82 barangay ng Mangatarem.


Patuloy naman ang pagbibigay ng pangunahing pangangailangan sa mga pamilyang inilikas. Hinikayat ng pulisya ang mga residente na agad iulat sa mga awtoridad ang anumang banta sa kanilang lugar upang mapabilis ang paglikas, lalo na kung patuloy pang tataas ang lebel ng tubig.