Mahigit isang libong katao ang lumahok sa isang mapayapang kilos-protesta nitong Biyernes upang kundenahin ang umano’y mga anomalya at katiwalian sa mga flood control projects ng pamahalaan.

Pinangunahan ito ng mga grupong Tindig Pilipinas, Nagkaisa Labor Coalition, at Kalipunan ng Kilusang Masa.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Dagupan kay Kiko Aquino Dee, Co-convenor ng Atin Ito Coalition nagsimula ang protesta sa loob ng EDSA Shrine at nagtapos sa labas ng simbahan, kung saan mapayapang ipinahayag ng mga lumahok ang kanilang galit at pagkadismaya sa lumalalang isyu ng korapsyon sa mga proyektong pang-kontrol ng baha.

--Ads--

Ayon kay Dee, panahon na para wakasan ang kwento ng korapsyon sa Pilipinas at hindi na dapat palagpasin ang mga ganitong uri ng katiwalian, lalo na kung buhay at kabuhayan ng mamamayan ang nakataya.

Saad pa niya na dapat ang binuong independent commission ay magkaroon ng sapat na kapangyarihan kabilang na ang subpoena powers upang masigurong walang itinatanggi at lahat ng responsable ay mananagot.

Sa ngayon aniya ay kapansin-pansin ang tensyon sa loob ng Kongreso at Senado, habang lumalakas ang panawagan ng taumbayan para sa transparency at accountability.

Hinimok naman ng grupo ang pamahalaan na maging bukas sa publiko ang komisyon para sa mga hakbang, upang masubaybayan ng taumbayan ang pag-usad ng imbestigasyon.