Mahigit 100 katao na ang nasawi, kabilang ang pitong bata, sa patuloy na nagaganap na protesta kontra gobyerno sa buong Iran ayon sa U.S.-based Human Rights Activists News Agency (Hirana).
Ayon sa datos ng HIRANA, aabot sa 2,638 katao ang naaresto habang nagpapatuloy ang kilos-protesta na tumuntong na sa ika-14 na araw.
Habang mayroon namang naitala na 109 na miyembro ng security forces ang napatay sa gitna ng mga protesta.
Kaugnay ng nagaganap na karahasan, naiulat din ang halos 60 oras na pagputol ng internet sa Iran kung saan pinaniniwalaan na isa itong hakbang upang pigilan ang pagkalat ng impormasyon at koordinasyon ng mga raliyista.
Nagbabala naman ang Iran na gaganti ito sakaling atakihin ng Estados Unidos, habang patuloy na sinusuway ng mga nagpoprotesta ang paghihigpit ng pamahalaan noong Sabado ng gabi, sa kabila ng ulat mula sa mga doktor sa dalawang ospital na mahigit 100 bangkay ang dinala sa loob lamang ng dalawang araw.
Ayon sa mga ulat, tila pinaiigting ng pamahalaan ang pagtugon nito sa mga kilos-protesta kung saan ang mga demonstrasyon ay kumalat na sa mahigit 100 lungsod at bayan sa lahat ng lalawigan ng Iran.
Samantala, nagbanta si Pangulong Donald Trump ng Estados Unidos na tatamaan nang “napakatindi” ang Iran kung magsisimula umano itong “pumatay ng mga tao.”
Bilang tugon, nagbabala ang tagapagsalita ng parlamento ng Iran noong Sabado na sakaling umatake ang US, ituturing na lehitimong target ang Israel pati na ang lahat ng base militar at pasilidad ng US, kabilang ang mga barkong pandigma, sa rehiyon.
Patuloy naman na binabantayan ng international community ang tumitinding tensyon sa Gitnang Silangan, habang nananatiling hindi tiyak kung hanggang saan aabot ang hidwaan sa gitna ng lumalalang krisis sa loob ng Iran.










