DAGUPAN CITY- Umabot sa 101 gramo ng hinihinalang shabu ang nakumpiska sa isang ginang na naaresto sa Brgy. Lucao matapos isagawa ng Dagupan City Police Office ang isang buy bust operation.

Ayon kay Plt. Jesus Gerard Manaois, Duty Officer ng DCPO, itinuturing na high-value individual (HVI) ang suspek dahil sa dami ng drogang nakuha sa kanya.

Kinilala ang suspek na isang 52-anyos na residente ng Sitio Bliss, Brgy. Bonuan Binloc, may asawa, at nagmamay-ari ng isang sari-sari store.

--Ads--

Matagal na umanong minamanmanan ng kapulisan ang suspek matapos makatanggap ng impormasyon tungkol sa kanyang kahina-hinalang mga transaksyon.

Ang nakumpiskang droga ay tinatayang nagkakahalaga ng Php686,800.00.

Nahuli ang suspek matapos magbenta ng isang knot-tied transparent plastic sachet at isang heat-sealed transparent plastic sachet na naglalaman ng hinihinalang shabu sa isang pulis na nagpanggap na buyer.

Kasalukuyan nang nasa kustodiya ng DCPO ang suspek, at inihahanda na ang kasong paglabag sa Sec. 5, Art. II ng R.A. 9165 o ang Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 na kanyang kakaharapin.

Saad naman ni Plt. Manaois, ito ang pinakamalaking halaga ng droga na nakumpiska sa lungsod sa nakalipas na buwan at ngayong buwan sa ilalim ng bagong administrasyon ni PCOL Orly Pagaduan.

Nagpaalala rin siya sa publiko na itigil na ang paggamit ng ilegal na droga, dahil hindi umano nagpapabaya ang kanilang pwersa sa paglaban sa ganitong kalakalan.