Mahigit isang milyong katao ang inilikas mula sa kanilang mga tahanan sa silangang bahagi ng China, kabilang ang Shanghai, matapos tumama sa kalupaan ang Typhoon Dolphin.
Taglay ng bagyo ang maximum sustained winds na 150 kilometro kada oras (94 milya kada oras) nang unang mag-landfall sa Yuhuan sa Zhejiang province bandang alas-5:30 ng hapon kahapon, lokal na oras.
Makalipas ang halos isang oras, muli itong nag-landfall sa lungsod ng Wenzhou, ayon sa mga awtoridad sa meteorolohiya ng China.
Malaki rin ang naging epekto ng bagyo sa transportasyon sa rehiyon. Tinatayang 1,400 flight ang kinansela sa Shanghai lamang dahil sa masamang lagay ng panahon.
Bago tumama ang bagyo, naglabas ang mga awtoridad ng China ng pinakamataas na antas ng red alert para sa Dolphin bilang paghahanda sa inaasahang malakas na hangin at pag-ulan.
Gayunman, pagsapit ngayong Lunes umaga ay ibinaba na ang classification nito sa tropical storm habang patuloy itong kumikilos papaloob sa mainland China.
Sa kabila nito, patuloy na nagbabala ang mga awtoridad sa posibilidad ng matinding pag-ulan, malawakang pagbaha at pagguho ng lupa hanggang Miyerkules.
Inaasahan ang malakas na pag-ulan ngayong araw sa mga lalawigan ng Shandong, Henan, Hubei, Anhui, Jiangsu at Zhejiang, gayundin sa lungsod ng Shanghai.
Patuloy namang minomonitor ng mga awtoridad ang galaw ng bagyo at ang epekto nito sa mga komunidad na apektado ng malakas na ulan at pagbaha.










