Dagupan City – Sabay-sabay na winasak at sinira ang nasa 1,927 na ilegal na tambutso o muffler ng Nueva Ecija Police Provincial Office (NEPPO).
Nagpapakita ito ng hakbang ng mga kapulisan sa paglaban at pagbawas ng mga ingay sa kalsada gamit ang mga nakumpiskang tambutso sa buong probinsya at maipatupad ang tahimik na kakalsadahan.
Pinangunahan ito ni PCol Ferdinand D. Germino, Provincial Director na isinagawa sa NEPPO Parade Ground.
Gamit ang isang roller truck, tuluyan nang winasak ang mga nakumpiskang tambutso para hindi na maulit pang magamit at upang hindi na muling makapagdulot ng labis na ingay o kaguluhan sa publiko.
Bahagi ito ng patuloy na kampanya ng NEPPO para sa kaligtasan sa daan, pangangalaga sa kapaligiran, at kaayusan ng publiko, alinsunod sa Republic Act No. 4136 (Land Transportation and Traffic Code) at mga kaugnay na ordinansa.
Sinabi ni PCol Germino na ang pagkilos na ito ay isang malakas na mensahe sa mga lumalabag sa batas at muling pagpapaalala sa dedikasyon ng Philippine National Police (PNP) sa pagpapatupad ng mga batas trapiko at pangangalaga sa kapakanan ng publiko.
Samantala, naninindigan ang kanilang opisina sa kanilang misyon na tiyakin ang ligtas, maayos, at payapang kapaligiran para sa mga mamamayan ng Nueva Ecija.