‎Mas pinabilis ang trabaho sa bukid sa tulong ng ₱3.48-milyong halaga ng four-wheel drive farm tractor na ipinagkaloob sa isang grupo ng corn growers sa bayan ng Mangaldan, dito sa lalawigan ng Pangasinan.

‎Ang makinaryang mula sa Department of Agriculture ay resulta ng koordinasyon sa pagitan ng ahensya at lokal na pamahalaan.

‎Kasama ng traktora ang disc plow implement para magamit sa pagpapaluwag at paghahanda ng lupa bago ito taniman. Inaasahan itong magpapagaan ng trabaho at magpapabilis ng produksyon sa mga bukirin.

‎Para sa grupo ng mga magsasakang tumanggap ng ayuda, malaking ginhawa ang dulot ng makabagong gamit na ito. Bukod sa pagtitipid sa oras at gastos, mas pinalalakas din umano nito ang kakayahan nilang makasabay sa modernong pagsasaka.

‎Sa gitna ng mga patuloy na hamon sa sektor gaya ng pabago-bagong panahon at mataas na presyo ng input maituturing na mahalagang suporta ang ganitong uri ng interbensyon upang mapanatiling matatag ang kabuhayan ng mga magsasaka at masiguro ang tuloy-tuloy na suplay ng mais sa lokal na merkado.