Umaabot sa mahigit ₱477 milyon ang pinsalang idinulot ng bagyong Uwan sa sektor ng agrikultura sa Pangasinan.

Sa panayam ng Bombo Radyo Dagupan kay Vincent Chiu, Operations Supervisor ng PDRRMO Pangasinan, sinabi niyang batay sa initial report na kanilang natatanggap, ₱477,344,551 ang pinsala sa agrikultura, ₱224,500 sa livestock, at mahigit ₱176 milyon naman sa imprastraktura.

Sa kabuuan, 45 munisipalidad sa lalawigan ang naapektuhan ng bagyo.

--Ads--

Inaasahang tataas pa ang halaga ng danyos dahil patuloy pa rin ang pangangalap ng karagdagang ulat mula sa mga lokal na pamahalaan.

Nagpasalamat si Chiu sa lahat ng lokal at nasyunal na ahensya, maging sa media, na tumulong sa pagpapalaganap ng impormasyon tungkol sa kahalagahan ng preemptive evacuation.

Bago pa tumama ang bagyong Uwan, aniya, paulit-ulit nilang pinaalalahanan ang publiko tungkol sa wastong paghahanda at pag-iingat, dahilan upang walang naitalang casualty sa lalawigan.

Sa ngayon, nagpapatuloy ang pagsasaayos ng mga linya ng kuryente, bagama’t karamihan ay naibalik na ang suplay.

Samantala, may humigit-kumulang 500 indibidwal pa ang nananatili sa evacuation centers, ngunit inaasahang makababalik na rin sila sa kani-kanilang mga tahanan sa mga susunod na araw.