DAGUPAN CITY — “Isang grandiosong ambisyon.”

Ganito isinalarawan ni Kilusang Mayo Uno Secretary General Jerome Adonis sa naging panayam sa kanya ng Bombo Radyo Dagupan hinggil sa makontrobersyal na Maharlika Wealth Fund.

--Ads--

Aniya na dapat ibasura ang Maharlika Wealth Fund sapagkat wala itong magandang maidudulot subalit maaari lamang pagmulan ng mas malaki pang korapsyon sa bansa.

Saad pa ni Adonis na kahit saan pa kunin ng mga komite ang pondo na gagamitin para rito ay igigiit pa rin nila ang kanilang mahigpit na pagtutol sa usaping ito.

Dagdag nito na imbes pagtuunan ng pansin ng gobyerno ang proyektong ito ay mas mainam kung mas bibigyan nila ng pansin ang matagal ng kahilingan at pangangailangan ng mga manggagawang Pilipino na gawing pantay-pantay ang sahod sa bansa na nakabatay sa kasalukuyang family living wage na P1,100 na napakataas na dahil sa umiiral pa rin na inflation rate.

Sinabi pa ni Adonis na mas mainam din kung gagawing urgent ang pagsasabatas ng House Bill 4898 o mas kilala sa tawag na National Minimum Wage Bill para sa kapakanan ng lahat ng manggagawa sa Pilipinas.

Kaugnay nito ay nakatakda sila mulang magsagawa ng kilos-protesta sa susunod na pagdinig ng House of Representatives dahil iniikutan lamang nila umano ang mga probisyon patungkol pa rin sa usaping ito.

Binigyang-diin pa ni Adonis na minamahalaga nila na dapat ay nagsasalita at ginagamit ng taumbayan ang kanilang democratic rights para tutulan ang mga palno ng gobyerno kaugnay sa mga batas na hindi naman makakatulong hindi lamang sa manggagawang Pilipino subalit gayon na rin sa sambayanang Pilipino.