DAGUPAN, CITY— Nasawi ang isang magsasakang caretaker ng palaisdaan matapos na makuryente kasunod ng pagsagip nito sa tinawag nitong magaayos sana ng linya ng kuryente sa bayan ng Mangaldan.

Kinilala ni PLt. Mar Albarado, Investigation Intel Officer ng Mangaldan PNP, ang biktima na si Leonardo Cera, 45 anyos mula sa Barangay Maasin, sa nasabing bayan.

Napag-alaman mula kay Albarado, nagtawag si Cera ng electrician upang tulungan itong ayusin ang kuryente sa binabantayang palaisdaan subalit nauna itong nakuryente sa ginagawang linya ng kuryente dahilan upang tulungan ito ng nasawing biktima.

--Ads--

Nagtagumpay naman si Cera sa pagsagip sa kasama nito subalit sa kasamaang palad bagamat nakatulong ay ito naman ang nasawi matapos na sa kaniya naman kumapit ang live wire at dahil sa lakas ng pagkakakuryente, tumilapon pa ito sa tubigan.

Agad din namang narecover ang labi ng biktima dahil nasa lugar din ang mga kaanak nito.

Nabatid na ito ang unang insidente na naitala sa bayan.

Kasunod nito, nagpaalala naman si Albarado sa publiko na humiling sa mga totoong eksperto ng tulong kung may suliranin sa linya ng kuryente. (with reports from: Bombo Maegan Equila)