DAGUPAN, CITY— Pinaniwalaang nagpakamatay ang isang 55-anyos na magsasaka, dahil sa taning nito sa buhay bunsod ng sakit na cancer, sa Sitio Sipitan, Brgy. Bocboc East, sa bayan ng Aguilar.

Sa eksklusibong panayam kay PMaj. Virgilio Cruz, OIC ng Aguilar PNP, kinilala nito ang nasawing biktima na si Reynaldo Resuello.

Batay imbestigasyon, umalis lamang umano ang anak nitong si Ricky kasama ang kaniyang live-in partner para bumili ng pagkain sa Brgy. Bogaoan, San Carlos City at naiwang mag-isa ang kaniyang ama ngunit pagbalik nila ng kanilang tahanan ay nakasabit na sa bubungan ang kaniyang tatay gamit ang isang kurtina.

--Ads--

Napag-alamang may sakit itong hypertension, naoperahan dahil sa sakit na goiter noong March 2019 at na-diagnose na mayroong pa ng stage 4 cancer at taning sa buhay na anim (6) na buwan, na siyang nakikitang tanging dahilan kung bakit nito kinitil ang sariling buhay.

Wala naman umanong ipinakitang indikasyon noon ang biktima sa kaniyang kaanak na magagawa niya ang nasambit na pangyayari.

Ayon naman sa post-mortem examination sa labi ng biktima ay walang nakitang anumang foulplay sa naturang insidente.

Samantala, kasunod ng naturang insidente, pinaalalahanan ni Cruz ang publiko hinggil sa pagtugon sa suliranin lalo at lahat ay humaharap dito.