Patay ang isang magsasaka matapos itong tambangan at pagbabarilin ng mga hindi pa nakikilalang suspek sa bayan ng Bautista, Pangasinan.
Ayon kay P/Capt. Rodelio Labiano, Chief of Police ng Bautista PNP, nakatanggap sila ng tawag mula sa isang concerned citizen kaugnay sa nangyaring shooting incident partikular sa Brgy. Villanueva.
Pagka tanggap ng tawag, agad silang nagtungo sa nabanggit na lugar upang tugunan ang naturang insidente at dito na nakilala ang biktima na si Gil Cabansag Miranda, 52 anyos, may asawa, isang magsasaka at residente ng Brgy. Villanueva.
Lumalabas sa kanilang imbestigasyom at batay na din sa ulat ng mga first responders at imbestigador, bago mangyari ang insidente, nakita pa umano ang biktima na bumisita sa kaniyang bukid.
Sa kasamaang palad, dito na pinagbabaril ang biktima ng mga hindi pa nakikilalang suspek lulan ng isang puting kotse base na din sa salaysay ng kanilang mga witness.
Sa kanilang pagtaya, apat ang nakitang suspek ng mga witness na kung isasalarawan, nasa medium built ang mga ito at ang puting kotse ang kanilang nagsilbing getaway vehicle.
Nagtamo ang biktima ng tama ng baril sa kaniyang ulo maging sa iba pang bahagi ng kaniyang katawan na siyang naging dahilan ng agaran nitong kamatayan.
Nakita sa crime scene ang ilang basyo ng caliber 45 na baril at 5.56 long firearm armalite.
Ayon sa salaysay ng pamangkin ng biktima na kinilalang si Francis Miranda, isa sa nakikita nilang motibo sa naturang insidente ay Land Dispute o awayan sa lupa.
Sa pakikipanayam umano ng pulisya sa kaanak ng biktima, hangad nilang mabigyan ng agarang hustisya ang pagkamatay ni Miranda at handa silang magsampa ng kaukulang kaso laban sa mga suspek.
Sa ngayon ay patuloy pa din ang isinasagawang man hunt operation ng Bautista PNP upang matukoy ang pagkakakilanlan ng mga suspek sa likod ng naturang krimen.