Hindi na umabot pa ng buhay sa hospital ang 40 anyos na magsasaka matapos itong pagtulungang bugbugin ng apat na lalaking magkakaanak sa bayan ng Mangatarem, Pangasinan.
Ayon kay Pmajor Allan Emerson Dauz, ang chief of police ng Mangatarem PNP, binugbog ng mga suspek na isang padre de pamilya, dalawa nitong anak at isa pang kaanak ang biktima sa loob ng kanilang tahanan sa Sitio Vergara Brgy. Bogtong Silag sa naturang bayan.
Base rin sa imbestigasyon ng mga kapulisan ay napag-alaman na gumamit pa ang mga ito ng bato na tumama sa ulo ng suspek na naging dahilan ng agaran nitong pagkamatay.
Pagseselos naman ng padre de pamilya ang nakikitang dahilan sa pagbugbog ng mga magkakamag-anak na suspek sa biktima.
Naaresto na ng mga kapulisan ang apat na suspek at kasalukuyang nasa himpilan na ang mga ito ng Mangatarem PNP para sampahan ng kaukulang kaso.