Dagupan City – Suportado ng Magsasaka Partylist ang desisyon ng Estados Unidos na pahintulutan ang higit $1 bilyong halaga ng produktong agrikultural mula sa Pilipinas na makapasok sa kanilang merkado nang duty-free o walang taripa.
Ayon kay Argel Cabatbat, chairman ng Magsasaka Partylist, malaking oportunidad ito para sa mga Pilipinong mag-eexport dahil mas malaki ang kita kapag walang ipinapataw na taripa sa pagpasok ng produkto sa U.S.
Dagdag niya, hindi lamang Pilipinas ang napapabilang sa mga bansang napagkalooban ng exemption kundi pati iba pang piling bansa.
Gayunman, iginiit ni Cabatbat na dapat ding pag-aralan ang pagtataas ng taripa sa ilang produktong inaangkat mula sa ibang bansa upang maprotektahan ang lokal na sektor ng agrikultura, lalo na ang mga magsasaka ng palay.
Hinimok din niya ang mga lokal na magsasaka na simulan nang magtanim at pag-aralan ang pag-eexport sa U.S. dahil tiyak umano ang merkado at mataas ang value ng ilang produktong hindi kayang iproduce ng Amerika.
Ipinaliwanag pa niya na may posibilidad para sa maliliit na magsasaka na makapag-export kung magsasanib-puwersa at bubuo ng kooperatibang may kabuuang humigit-kumulang 200 ektaryang lupain.
Sa ganitong sistema, aniya, mas malaki ang tsansang makapasok ang kanilang produkto sa merkado ng U.S.
Nanawagan din si Cabatbat sa mga magsasaka na pairalin ang pagkakaisa at huwag hayaang manaig ang pansariling interes, lalo na kapag nagsisimula nang kumita, upang maiwasang malugi at masigurong mas malaki ang magiging kita ng buong grupo.










