Dagupan City – Nagpahayag ng magkahalong emosyon ang Magsasaka Partylist matapos mabulgar ang umano’y kontroladong paggalaw ng presyo sa ilang pangunahing produktong agrikultural sa bansa.
Ayon kay Argel Cabatbat, Chairman ng Magsasaka Partylist, lumalabas na may mga grupo o indibidwal na talagang kumokontrol sa presyo ng mga produkto tulad ng sibuyas, bigas, at iba pang mahalagang pananim.
Aniya, napakanegatibo kung mapatutunayang may sindikato o impluwensiyang gumagalaw sa sektor ng agrikultura—lalo na sa gitna ng isiniwalat ni dating Ako Bicol Rep. Zaldy Co na ang presyo ng bigas at operasyon sa importasyon ay umano’y may koneksyon sa pamilyang Marcos.
Matatandaan na matagal nang tanong ng mga magsasaka kung sino ang nasa likod ng manipulasyon sa presyo ng bigas at kung sino talaga ang kumikita mula rito.
Sa kabila nito, sinabi ni Cabatbat na may positibong aspeto rin ang pagsisiwalat—dahil sa wakas, may nagkukumpirma na may smuggler at may mga aktwal na price controllers sa merkado.
Binigyang-diin din ng Magsasaka Partylist na kung may pinakakorap na ahensya, ito ay ang Bureau of Customs (BOC)—dahil sila ang nangangasiwa sa mga buwis at papeles na may kinalaman sa mga smuggled at imported goods na pumapasok sa bansa.
Inamin ni Cabatbat na nakaramdam siya ng galit at tuwa nang mabalitaan ang pumutok na isyu: galit dahil nalilinaw na ang talamak na katiwalian, at tuwa dahil sa wakas ay napag-uusapan na ito sa publiko.
Isa rin sa kanilang tanong ay kung kailan pa nagsimula ang ganitong klase ng kontrol at katiwalian.
Umaasa silang dahil mayroon nang napapakulong, masusundan pa ito at tuluyang makukulong ang mga nasa likod ng anomalya.
Nanawagan ang Magsasaka Partylist sa mga indibidwal na may nalalaman sa operasyon ng smuggling at price manipulation na huwag matakot magsalita.
Anila, mahalagang magtulungan upang tuluyan nang matigil ang katiwaliang pumipinsala sa mga magsasaka at sa buong sektor ng agrikultura.










