Umaasa ang Magsasaka Party-list na bibigyang-pansin ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa nalalapit na State of the Nation Address o SONA ang mga pangunahing suliranin ng sektor ng agrikultura, kabilang ang mababang presyo ng mga produktong agrikultural, pagdami ng imported na produkto, at reporma sa lupa.
Ayon kay Argel Cabatbat, Chairman ng Magsasaka Party-list, “pasang-awa” ang maibibigay niyang grado sa Pangulo sa usapin ng agrikultura. Aniya, bagama’t bahagyang gumanda ang presyo ng palay nitong mga nakaraang buwan, marami pa ring sektor tulad ng paghahayupan, pagniniyog, at pangingisda ang nangangailangan ng higit na suporta.
Binanggit din ni Cabatbat na nakaapekto sa mga lokal na magsasaka ang pagbaba ng taripa sa imported na bigas sa ilalim ng Executive Order No. 62. Gayunman, pinuri niya ang Department of Agriculture sa mga hakbang nito upang makontrol ang pag-aangkat ng bigas at mapanatiling matatag ang suplay.
Umaasa rin ang grupo na matutukan sa SONA ang mga isyu sa pamamahagi ng lupa, land conversion, at ang umano’y katiwalian sa mga flood control projects. Aniya, nais nilang mapanagot ang sinumang mapatutunayang sangkot sa mga anomalya at makita ang mas maraming programang direktang makatutulong sa mga magsasaka.










