Nakahandusay na sa sahig nang datnan ng pulisya ang 33-anyos na magsasaka matapos barilin-patay sa Brgy. Piaz, sa bayan ng Villasis, Pangasinan.
Kinilala ang biktima na si Wilson Remoblas at ang suspek naman ay si Melvin Ubaldo, 34-anyos na pawang mga residente ng naturang barangay.
Batay sa imbestigasyon ng kapulisan, bago ang insidente , ang grupo nina Barangay Kagawad Roy Elevazo Jr., Robert Remoblas at ang biktimang si Wilson Remoblas ay nagtungo sa kanilang Barangay Hall kung saan naabutang nag-iinuman sina Brgy. Captain Romeo Wabe, kasama ang tatlo pang kalalakihan.
Makaraan ang ilang sandali ay dumating naman ang isa pang Brgy. Kagawad kasama na ang suspek na si Ubaldo at nagsabing kailangan umano ng barangay assistance sa isang ‘di umano’y kaguluhan sa may purok 5.
Nang naghahanda na ang mga ito upang rumesponde, nagkaroon umano ng pagtatalo sa magkabilang grupo at dito na nga nabaril sa dibdib at tiyan ang biktima.
Kaya naman pinagbabaril din ng kawagad na kasama ng biktima ang bahay ng tumakas na suspek ngunit hindi pa tukoy kung natamaan ito, pati na rin ang papalapit na motorsiklong minamaneho naman ng isang Harold Mingaracal kasama ang anak nitong lalaking menor de edad.
Nagtamo ng ilang tama ng bala ang motor.
17 basyo ng bala naman ang natagpuan sa crime scene habang patuloy na pinaghahanap ang suspek.