DAGUPAN CITY – Naglabas ng babala ng tsunami ang Japan’s meteorological agency para sa Pacific Coast ng bansa, matapos ang isang malakas na lindol na may lakas na magnitude 8.0 na tumama malapit sa Kamchatka Peninsula ng Russia.
Nagbigay ng abiso ang ahensya para sa posibilidad ng tsunami na maaaring umabot sa 3 metro ang taas sa kahabaan ng Pacific coast ng Japan, at maaaring magsimulang dumating sa mga baybaying hilaga ng Japan sa loob ng wala pang kalahating oras matapos ang babala.
Pinalawig rin ang babala ng tsunami sa estado ng Hawaii sa Estados Unidos, kung saan sinabi ng Pacific Tsunami Warning Center ng National Weather Service na may nalikhang tsunami mula sa lindol na maaaring magdulot ng pinsala sa mga baybayin ng lahat ng isla ng Hawaii.
Ayon sa Japan’s meteorological agency, ang lindol ay tinatayang 250 kilometro (160 milya) ang layo nito mula sa Hokkaido, ang pinakahilagang pangunahing isla ng Japan, at bahagya lamang itong naramdaman.