DAGUPAN, CITY— Lubos ang pasasalamat ng isang tubong Pangasinan na nanguna sa May 2022 Civil Engineer Licensure Examination sa kanyang mga pamilya at mga kakilala na sumporta sa kanyang tagumpay sa naturang eksaminasyon.
Ayon kay Engr. Arianne Joyce Anselmo Dameg, top 1 ng May 2022 Civil Engineer Licensure Examination na tubong Alaminos City at nagtapos sa UP Diliman, hindi rin umano naging madali ang kanyang naging malaking bagay para sa kanya ang pagkakaroon niya ng suporta mula sa kanyang mga mahal sa buhay sa kasagsagan ng paghahanda nito sa CE board exam.
Aniya, hindi naging madali para sa kanya ang pagsasagawa ng eksaminasyon lalo na at kinailangan muli nitong kumuha ng refresher course at preparang muli dahil sa 1 at kalahating taon din na naantala ang kanilang eksaminasyon.
Noong nag-aaral din ito, isinabay rin nito ang kanyang pagtatrabaho hanggang sa ito nga ay matapos rin bilang Magna Cum Laude sa kanyang kurso sa nabanggit na tanyag ring institusyon sa bansa.
Ibinahagi rin ni Dameg na hindi siya makapaniwala na mapapabilang siya sa mga topnotchers ngayon taon lalo na at isa lamang sa hangad niya ay makapasa at makuha ang lisensya sa napili niyang propesyon.
Saad din niya naging inspirasyon din niya ang kanyang nakakatandang kapatid na isa na ring Civil Engineer at ang matibay na suporta at panalangin ng kanyang malalapit na mga pamilya at kakilala.
Payo naman nito sa mga Civil Engineering students na nagsusumikap ngayon sa kanilang pag-aaral at review, na magkaroon ng tamang support system lalo na ang mga taong naniniwala sa kanilang kakayahan at gayundin na huwag silang mawalan ng motibasyon para magpatuloy sa hamon ng buhay.
Matatandaang ang UP-Diliman ang isa rin sa mga Top Performing Schools sa naturang eksaminasyon na mayroong 95% passing rate.