DAGUPAN CITY- Dalawang magkahiwalay na insidente ng pagkalunod ang naitala sa Mangaldan sa kasagsagan ng sunod-sunod na pag-ulan.
Noong Hulyo 23, isang 15-anyos na binatilyo ang nalunod sa ilog matapos umanong kilitiin ng pinsan habang nakaangkla sa gilid.
Nabitiwan nito ang hinahawakan at nalunod.
Idineklara siyang dead on arrival sa ospital.
Nahaharap ang pinsan sa kasong reckless imprudence resulting in homicide.
Kinabukasan, isa pang biktima na isang pedicab driver ang natagpuang palutang-lutang sa Barangay Anolid.
Huli siyang namataan noong alas-7 ng gabi at natagpuan kinabukasan ng umaga. Patuloy ang imbestigasyon upang alamin kung may foul play sa insidente.
Nagpaalala ang pulisya sa publiko, lalo na sa mga kabataan, na maging maingat sa mga ilog at katubigan, lalo na sa panahon ng tag-ulan.