BOMBO DAGUPAN – Nahuli ang dalawang magkapatid na lalaki sa bayan ng Villasis dahil sa pagbebenta at paggamit ng ilegal na droga.

Ayon kay PMAJ. Edgar Allan Serquiña OIC, Villasis PNP na dahil sa implementasyon ng search warrant ay nagresulta ito sa pagkakaaresto kay Randy Ramolete Cabanilla at Roberto Ramolete Cabanilla magkapatid at parehong residente ng nasabing bayan.

Si Roberto ay nahulian ng 2.4 gramo ng hinihinalang shabu na may katumbas na halagang P16,320 samantala, si Randy naman ay nahulian din ng 2.2 gramo na may katumbas na halagang P14, 960.

--Ads--

Aniya ay dati ng nahuli sa parehong kaso si Roberto at nakalabas lamang sa bilangguan noong nakaraang taon. Dagdag pa niya na ang mga residente lamang ang nakapagsumbong sa kanilang ilegal na gawain.

Parehas naman na nagpositibo ang dalawa sa isinagawang drug test at kasalukuyan ng ipeneprepara ang kaukulang kaso laban sa kanila.

Samantala, nananawagan naman si Serquiña sa mga residente ng nasabing bayan na kung may nakita na gumagamit o nagbebenta ng ilegal na droga ay wag mag-atubiling lumapit sa kanila para ipagbigay alam ang pangyayari.