DAGUPAN CITY–Natagpuan magkatabi at wala ng buhay ang magkapatid matapos na masunog ang kanilang bahay sa bayan ng San Fabian, Pangasinan.

Sa exclusive interview ng Bombo Radyo Dagupan, inihayag ni Pol. Master Sgt. Leandro Tomines, Duty Investigator ng San Fabian Police station, na hindi na naisalba pa ang magkapatid na biktima na kinilalang sina John Lennon Villanosa, limang taong gulang at Maria Santina Villanosa, isang taong gulang, matapos na lamunin ng apoy ang kanilang tahanan habang sila ay natutulog.

Nakadapa habang magkatabi at halos hindi na makilala pa mula sa pagkakasunog ang mga biktima nang matagpuan ng mga otoridad ang kanilang bangkay.

--Ads--

Paliwanag ni Tomines, wala sa kanilang tahanan ang nanay ng mga biktima na kinilalang si Judilyn Poseria, ng sumiklab ang sunog na pinaniniwalaang mula sa kandila na gamit ng mga ito sa kanilang bahay.

Nabatid na kandila ang gamit ng mag-anak subalit iniwan ito sa ibabaw ng plastic na cabinet.

Dagdag pa ni Tomines, mabilis na kumalat ang apoy dahil gawa sa light material ang bahay.

Samantala, inihayag naman ni Tomines, na nagpapatuloy sa ngayon ang ginagawa nilang imbestigasyon sa insidente upang malaman kung aksidente o sinadya ang sunog na ikinasawi ng magkapatid.