Muling tataas ang presyo ng diesel simula bukas, Hulyo 14, dahil sa patuloy na pagtaas ng presyo ng refined fuel bunsod ng panibagong tensyon sa Gitnang Silangan, sa kabila ng kamakailang pagluwag ng presyo ng krudo sa pandaigdigang merkado.
Sa isang press conference nitong Lunes, Hulyo 13, inihayag ni Energy Secretary Sharon Garin ang pinapayagang saklaw ng price adjustments para sa linggo ng Hulyo 14 hanggang 20.
Ayon sa Department of Energy, ang mga inaasahang pagbabago sa presyo ng mga produktong petrolyo ay ang sumusunod:
Gasolina – maaaring bumaba ng P1.00 kada litro o tumaas ng hanggang P1.00 kada litro
Diesel – tataas ng P2.62 hanggang P4.62 kada litro
Kerosene – tataas ng P2.22 hanggang P4.22 kada litro
Patuloy namang binabantayan ng pamahalaan ang galaw ng pandaigdigang merkado ng langis habang nananatiling mataas ang pangamba sa epekto ng umiiral na tensyon sa Gitnang Silangan sa suplay at presyo ng produktong petrolyo.









