Magkahiwalay na advisory hinggil sa work arrangement ng mga empleyado ng Senado ngayong linggo ang inilabas nina dating Senate President Alan Peter Cayetano at acting Senate President Sherwin Gatchalian, na muling nagbigay-pansin sa umiiral na sigalot sa liderato ng kapulungan.

Sa memorandum na pirmado ni Cayetano at may petsang Hunyo 9, ipinabatid nito sa lahat ng empleyado ng Senado na mananatiling regular ang oras ng trabaho mula Hunyo 8 hanggang Hunyo 11, alas-8 ng umaga hanggang alas-5 ng hapon. Nakasaad na ang naturang iskedyul ay alinsunod sa probisyon ng 2024 Collective Negotiation Agreement kaugnay ng paggunita sa Araw ng Kalayaan sa Hunyo 12.

Ayon sa advisory, inaasahang susundin ng lahat ng kawani ang itinakdang working hours at mananatiling mahigpit ang pagpapatupad ng mga umiiral na patakaran sa opisina.

--Ads--

Samantala, sa hiwalay na advisory na nilagdaan ni Gatchalian noong Hunyo 9, pinahintulutan ang mga empleyado ng Senate Secretariat at Senate Proper na magtrabaho mula sa kanilang mga tahanan sa Hunyo 10 at 11.

Ipinaliwanag sa memorandum na ang desisyon ay batay sa impormasyong natanggap mula kay National Bureau of Investigation Director Melvin Matibag, Director, hinggil sa umano’y banta sa seguridad ng Senado.

Ayon kay Gatchalian, kinakailangan ding magsagawa ng security assessments, inspeksiyon, at iba pang mga hakbang sa kaligtasan sa loob ng gusali ng Senado.

Dahil dito, pansamantalang ipatutupad ang work-from-home arrangement sa loob ng dalawang araw.

Gayunpaman, nilinaw sa advisory na maaari pa ring atasan ang ilang empleyadong kabilang sa security, maintenance, at iba pang mahahalagang serbisyo na pumasok sa opisina upang matiyak ang tuloy-tuloy na operasyon ng Senado.

Matatandaang nagkaroon din kamakailan ng pagbabago sa impormasyon sa official website ng Senado kaugnay ng mga posisyon nina Gatchalian at Cayetano.

Sa kasalukuyan, wala pang inilalabas na opisyal na pahayag ang Senado kung paano eksaktong ipatutupad ang dalawang magkaibang advisory at kung alin ang magiging pangunahing gabay ng mga empleyado sa mga susunod na araw.