Nakapagtala ang Bureau of Fire Protection sa bayan ng Rosales ng sunog na ikinasawi ng mag-ina at pagkasugat naman ng 1 senior citizen at 2 pusa.
Ayon kay SFO1 Joseph P. Ullibac ang Chief Operation Officer at Investigator sa nasabing opisina na nagpapatuloy pa ang verification sa pagkakakilanlan ng nasabing 2 indibidwal na nasawi sa sunog sa barangay Carmen West.
Aniya na nangyari ito kahapon, unang araw ng abril at nalaman nila ang sunog dahil sa report ng isang concerned citizen kaya agad silang nagtungo sa lugar kasama ang Rosales LGU, PNP Rosales, ilang ahensya ng gobyerno at mga volunteers group para sa karampatang aksyon.
Pinaghihinalaang nagsimula ang sunog sa isang bahay sa isang compound na nasa likuran ng establisimyento sa tabi ng highway.
Tatlong establisimyento ang nadamay sa sunog habang ang ilang bahay naman na nasa likuran nito ay tuluyang natupok.
Mabilis kumalat ang apoy dahil sa mga light materials kaya’t umabot sa second alarm ang sunog ngunit nafireout naman kaagad
Nasa mahigit 10 truck ng tubig ang ginamit sa pag-apula ng apoy kung saan tumulong dito ang mga kabomberohan sa karatig lugar gaya ng San Manuel Tarlac, Villasis Fire Station, Balungao Fire Station, Santo Tomas Fire Station at iba pa.
Saad pa nito na maayos naman na aniya ang kalagayan ng ilang mga biktimang nawalan ng tahanan na siyang binibigyan ng tulong ng gobyerno at mga boluntaryong indibidwal.
Nananatili paring nagpapagaling ang nasugatang senior citizen at nagamot na rin dalawang nasugatang pusa kung saan sinagot ng lokal na pamahalaan ang gastos habang ang professional fee ay libreng ibinigay ng isang malapit na pet veterinary clinic sa pinangyarihan ng sunog.
Samantala, inaalam pa ang kabuuang pinsala at ang sanhi ng sunog, na siyang ikaapat na insidente sa taong ito at ang pinakamalubha dahil sa pagkakaroon ng kaswalidad.