Patay ang isang lalaki matapos itong pagsasaksakin ng kaniyang bilas sa brgy. Dumpay sa bayan ng Basista dito sa lalawigan ng Pangasinan.

Ayon kay P/Capt. Arturo Melchor, COP ng nabanggit na himpilan, nitong Linggo, Aug. 2 ng taong kasalukuyan, isang tawag ang kanilang natanggap kaya agad silang rumisponde.

Nang magsagawa ng operasyon ang kanilang tanggapan, nakita na lamang nila ang biktima na kinilalang si Antonio Garcia, na naka handusay sa gilid ng bahay ng kaniyang biyenan.

--Ads--

Nagsagawa ng hot pusuit operation ang kapulisan laban sa suspek na kinilalang si Rocky De Guzman na siya namang dahilan sa agaran nitong pagkadakip.

Nakuha sa crime scene ang isang kitchen knife na ginamit ng suspek bilang panaksak sa naturang biktima.

Nagtamo ng saksak si Garcia sa kaniyang dibdib maging sa tiyan na siyang naging dahilan ng agaran nitong kamatayan.

Sinubukan pa nila itong isugod sa pinakamalapit na pagamutan ngunit idineklara na itong Dead On Arrival.

Sinabi ni Melchor na batay pa sa nakalap nilang impormasyon mula sa kaanak ng biktima, nagkaroon ng alitan ang mag bilas at kamakailan lamang, humantong pa sa punto na sinira ng suspek ang motor ng biktima.

P/Capt. Arturo Melchor, COP

Ayon sa naturang hepe, nasa normal na katauhan ang suspek ng gawin nito ang naturang krimen at tanging ang galit na matagal nitong kinikimkim ang nakikita nilang motibo.

Handa umano ang kaanak ng biktima na magsampa ng kaso laban sa suspek.

Sa ngayon, nasa kustodiya pa rin ng Basista PNP ang suspek at nakatakdang sampahan ng kasong murder.