DAGUPAN CITY- Matapos maaresto kamakailan ang dalawang mag-asawang suspek sa pagpaslang sa isang 7 taon gulang na batang babae na natagpuang wala nang buhay sa baybayin ng Tondaligan, Brgy. Bonuan Gueset, noong Agosto 15, ay sinampahan na ng kasong Kidnapping with Homicide na may kasamang evident premeditation at treachery.

Ayon sa opisyal na ulat ng Office of the City Prosecutor ng Dagupan City, may sapat na ebidensya upang litisin ang mga suspek para sa kasong isinagawa sa paraang planado at marahas.

Ayon kay PCol. Arbel Mercullo,, Officer In Charge ng Pangasinan Provincial Police Office, napatunayan ng mga imbestigador na ang mag-asawa ay kumilos na may sabwatan at tahasang paglabag sa batas, kaya pormal na inihain ang kaso.

--Ads--

Patuloy ang masusing imbestigasyon upang tuluyang mabuo ang buong pangyayari.

Ayon kay Mercullo, malaking tulong sa kaso ang paggamit ng teknolohiya tulad ng GPS tracker, dashcam footage, at CCTV recordings mula sa sasakyang ginamit ng mga suspek.

Sa pamamagitan ng mga ito, natukoy ang mga lugar na pinuntahan ng sasakyan kabilang ang Calasiao, Malasiqui, at Dagupan.

Aniya na isinagawa rin ang post-mortem examination na nagpapakita ng matinding karahasan sa katawan ng biktima, partikular sa maselang bahagi.

Inaprubahan ng ina ng biktima ang pagsusuri o autopsy sa pamamagitan ng isang waiver.

Inaasahang ilalabas sa mga darating na araw o linggo ang buong resulta ng autopsy upang mapatibay pa ang ebidensyang hawak ng mga awtoridad.

Dagdag pa rito, pinaigting ng pulisya ang mga checkpoint sa buong lalawigan, kabilang ang random inspection sa mga 4-wheel vehicles, bilang tugon sa mga agam-agam ng publiko na hindi lahat ay nasusuri sa mga checkpoint.

Samantala, hindi pinayagan ng pulisya na isailalim sa drug test ang mga suspek dahil ito ay maaaring lumabag sa kanilang karapatang pantao kung walang legal na basehan.

Bilang bahagi ng mas malawak na kampanya laban sa karahasan, nagsasagawa na rin ng information drive ang PNP sa mga paaralan, partikular sa mga lugar kung saan maraming kabataan at single mothers, upang paigtingin ang proteksyon laban sa mga kaso ng rape at pag-abuso.

Binigyang-diin ni PCOL Mercullo na ang batas ay walang pinipili at aniya, sisiguraduhin ng kanilang tanggapan na makakamit ng biktima at ng kanyang pamilya ang hustisyang nararapat.

Patuloy ang panawagan ng kapulisan sa publiko na makipagtulungan at manatiling mapagmatyag habang nagpapatuloy ang proseso ng paghahanap ng katarungan para sa inosenteng batang walang kalaban-laban.