Mga kabombo! Ano ang kaya mong gawin sa ngalan ng travel?
Kaya mo bang iwan ang anak mo, nang dahil hindi naaprubahan ang passport niya?
Isang pambihirang pangyayari kasi ang nangyari sa El Prat Airport sa Barcelona, Spain, kung saan ay tila inabandona ng isang mag-asawa ang kanilang sampung taong gulang na anak na lalaki sa airport matapos matuklasan na expired na ang passport nito.
Ayon mismo sa air traffic controller na si Lilian Limasin, natagpuan ng mga pulis ang bata na mag-isang gumagala sa airport.
Dito na napag-alaman na iniwan siya ng kanyang mga magulang na patungo na sa kanilang bakasyon sa Morocco.
Matapos malaman ng awtoridad ang pangyayari, pinigilan ng mga ito ang pag-alis ng eroplano upang makausap ang mga magulang.
Dito na ipinaliwanag ng mga ito na nagpasyahan na lamang nila itong iwan saairport dahil sa hindi na valid ang passport ng kanilang panganay na anak.
Depensa naman ng mga ito, tumawag umano sila sa isang kamag-anak para sunduin ang bata habang nagmamadali silang sumakay sa eroplano.
Lumalabas din na inakala ng mga magulang na tila “normal” ang kanilang ginawa, ngunit agad namang itong hindi sinang-ayunan ng mga pulis.
Nahaharap ngayon ang mag-asawa sa kasong pag-abandona sa kanilang anak at pagdudulot nang malaking abala sa flight.
Sasailalim sila sa imbestigasyon ng social services upang matukoy ang karampatang parusa para sa kanilang ginawa.