Selos ang nakikitang ugat sa pananaksak ng isang padre pamilya sa kaniyang asawa, anak at biyenan sa lungsod ng Urdaneta.
Ayon kay PMaj Rowel Albano ang Chief of Police ng Urdaneta PNP na inaresto ang isang 58 anyos na ama na nakilalang si Ismael Marurombsar matapos nitong pagsasaksakin gamit ang kitchen knife ang kanyang mag-anak.
Pahayag ni Albano na may isang residente ang tumawag sa kanilang himpilan ukol sa umano’y nangyayaring away sa naturang lugar kung saan agad na nirespondehan ito ng kanilang kapulisan.
Sa kanilang imbestigasyon ay pasado 1:30 ng madaling araw nang pinapatigil ng asawang biktima na si Jodina Lapeña, 45 taong gulang ang kanyang asawa at suspek na si Ismael na nag-aamok. Ngunit sa halip na tumigil ito ay sinaksak nito ang kanyang asawa.
Sinubukan namang awatin ng biyanan nito na si Josephina Lapeña, isang senior citizen at kanyang anak na may edad 13 taong gulang, ang suspek ngunit pinagsasaksak niya rin ang mga ito.
Dagdag ni Albano na nasa impluwensiya ng alak ang naturang suspek.
Sa kaniyang pagkakadakip ay nakumpiska sa suspek ang ginamit sa pananaksak ng isang 11 inches kitchen knife.
Nagtamo naman ng sugat mula sa pananaksak ang kanyang asawa at biyenan sa tiyan habang ang anak nito ay nagkaroon naman ng sugat sa kaliwang mga daliri at kanang siko.
Sa ngayon ay nagpapagaling at nilalapatan na ng medical na atensyon ang mga biktima sa Urdaneta District Hospital (UDH).
Nasa kustodiya na rin ng Urdaneta PNP ang suspek at mahaharap sa kasong frustrated parricide.