DAGUPAN CITY — Dead on arrival ang mag ama matapos na makuryente dahil sa nahawakang kable sa kanilang sakahan sa bayan ng Bani.
Ayon kay P/Maj. Dennis Cabigat, OIC ng Bani PNP, nangyari ang insidente sa brgy. Dakap Sur.
Kinilala ang mga sinawimpalad na biktima na sina Joey Ortaleza, 56 anyos at si Mark Ortaleza, 21 anyos. Batay sa kwento ng kanilang ilaw ng tahanan, hindi alam ng nakababatang biktima na mayroon palang open wire sa kanilang pumping station.
Electical na din kasi ang ginagamit nilang pang salok ayon kay Cabigat at hindi napansin ng 21 anyos na biktima.
Nang ito’y maabutan ng kaniyang tatay sa ganung estado, agad naman niya itong sinaklolohan at dahil sa pagkaka taranta, nadamay din ito sa pagkakakuryente. Sinubukan pa silang itakbo sa pagamutan ngunit agad din namang binawian ng buhay ang mag-ama.
Ayon sa opisyal, mula ng ito’y maupo sa panunungkulan, ito pa lamang ang kauna-unahang insidente ng pagkaka kuryente sa kanilang nasasakupan. Agad ding nailibing ang mag ama at sa pakikipanayam ng kapulisan sa mga naiwanang kamag anak, tanggap naman na nilang ito’y kanilang kapabayaan.