DAGUPAN CITY- Kahilingan ngayon ng mga Overseas Filipino Workers (OFW) na naiipit sa kaguluhan sa pagitan ng Israel at Iran ang agarang repatriation at kagyat na tulong pinansyal.
Ayon kay Lucy Ortega, Samahan ng mga DH sa Gitnang Silangan, panawagan nila sa gobyerno ng Pilipinas at ang Department of Migrant Workers (DMW) ang mabilisang pagproseso ng repatritation dahil karamihan sa mga OFW na naroroon ay nais nang makauwi sa bansa.
Aniya, kapit-patalim na lamang ang mga Pilipino sa mga nasabing bansa para lamang sa kanilang pamilya.
Subalit, kung makauwi naman sa bansa ay walang katiyakang may mapapasukang trabaho.
Kaya maliban sa repatriation ay kahilingan din nila ang programang sumusuporta para sa pangkabuhayan ng mga uuwing OFW.
Gayunpaman, hindi naman umano agad pinapansin ng gobyerno ang kanilang inilalapit na mga nais umuwi dahil aniya, katwiran ng mga ito ay marami rin silang hinaharap na mga kaso.
Sinabi naman ni Ortega, pahirapan din ang pagpapaabot ng tulong mula sa mga programa ng gobyerno kung kulang-kulang din ang ibibigay na dokumento.
At kung may financial assistance man na ipinapaabot ay labis naman na kulang para sa kanilang pamilya.
Giit niya na ang mga nasabing tulong na pangako ng gobyerno ay napapako lamang dahil maging trabaho ay walang naiaalok sa kanila.
Bukod pa riyan, kung magkakatrabaho sa bansa ay kulang din ang mga sinasahod para makapagsabayan sa pagtaas ng presyo ng mga bilihin.