Dagupan City – Siniguro ng City Disaster Risk Reduction and Management Office sa lungsod ng Urdaneta ang mabilisang pagtugon sa mga nagaganap na aksidente sa kalsada sa kanilang nasasakupan.

Isa ang Urdaneta City dito sa lalawigan ng Pangasinan ang may mataas na bilang ng nagkakaroon ng aksidente sa kalsada.

Sa taong ito, naitala ng Urdaneta City Health Office ang 860 na aksidente sa kalsada, na nagraranggo sa Top 7 na sanhi ng morbidity at Top 9 na sanhi ng pagkasawi dahil sa 10 insidente ng pagkasawi sa kalsada sa lungsod noong 2023.

--Ads--

Para matugunan ang mga problemang ito, ayon kay Sonny L. Domagas, Officer in Charge ng Urdaneta City Disaster Risk Reduction and Management Office (CDRRMO), na naglalayon silang mapababa ang bilang ng mga aksidente, lalo na ang mga nagreresulta sa pagkasawi ng ilang indibidwal.

Aniya na ang kanilang diskarte ay nakatuon sa mabilisang pagresponde, na may target response time na hindi hihigit sa 5 minuto pagkatapos matanggap ang tawag mula sa lugar ng insidente para mapuntahan agad.

Dagdag nito na may Command Center sila na nagrereceive ng tawag kung saan ito na rin umano ang nakikipag-ugnayan sa barangay kung saan na nangyari ang insidente at maging sa pakikipag-ugnayan sa mga related agencies gaya ng PNP, BFP, BJMP at iba pa dahil katuwang nila ang mga ito para sa pagtugon sa mga ganitong insidente.

Kaugnay nito, Isinagawa na rin nila ang mga pagsasanay para sa mga Barangay Disaster Coordinators sa 34 na barangay sa lungsod para sa first aid response.

Bilang karagdagan, nagbigay na din aniya ang CDRRMO ng mga rescue vehicles sa bawat barangay upang mapabilis ang pagsagip at pagdadala ng mga biktima sa ospital.

Layunin kasi nitong maiwasan ang pagkaantala at mabawasan ang mga pagkasawi. (Oliver Dacumos)