Pinaiigting ng pamunuan ng Dagupan PNP ang mga hakbang para masugpo ang kriminalidad sa lungsod sa pamamagitan ng serye ng mga courtesy calls sa mga opisyal ng pamahalaan, NGOs, at mga punong barangay.
Ayon kay PLTCOL Lawrence Keith Calub, bagong talagang Chief of Police ng Dagupan City PNP, mahalagang pagtuunan ng pansin ang kampanya kontra droga, pagpapanatili ng Police Presence, at mahigpit na pagpapatupad ng curfew para sa mga kabataan.
Tinututukan ng kapulisan ang pagbisita sa bawat barangay, lalo na sa mga nakapagtala ng insidente ng krimen na kinasasangkutan ng mga menor de edad.
Kabilang din sa mga prayoridad ang pagtugon sa mga reklamo kaugnay ng gender-based violence.
Aniya na isinasagawa rin ang masinsinang security surveillance sa mga bangko, financial establishments, 24/7 convenience stores, at mga gasoline stations upang matiyak ang seguridad ng publiko.
Katuwang din ng lokal na pamahalaan ang kapulisan sa pamamahagi ng relief goods sa mga apektadong lugar tuwing idinedeklara ang state of calamity, bilang bahagi ng pagpapanatili ng kaayusan.
Ayon pa kay Calub, lalong paiigtingin ang estratehiya sa pagpapatupad ng batas sa pamamagitan ng sectoring approach na kung saan ito ay ang paghahati sa lungsod sa apat na sektor kung saan maayos na ipamamahagi ang manpower, mobility, communication tools, investigation equipment, at firepower.
Panghuli ay ang pagtutok sa mabilisang pagtugon sa mga insidente sa pamamagitan ng 5-minute response time sa bawat tawag sa 911, bilang bahagi ng mas epektibong serbisyong pampubliko.
Sa huli, tiniyak nito na magiging bukas ang kanyang liderato sa mga suhestiyon at koordinasyon mula sa iba’t ibang sektor ng komunidad upang sama-samang makamit ang isang mas ligtas, maayos, at mapayapang syudad.