BOMBO DAGUPAN — Hindi na ikinagulat pa ng Samahang Industriya ng Agrikultura (SINAG) ang pahirapang pagbili ng National Food Authority (NFA) ng mga palay sa mga magsasaka dahil mataas na bili ng mga trader.
Sa panayam ng Bombo Radyo Dagupan kay SINAG Chairman Engr. Rosendo So, sinabi nito na medyo mataas ngayon ang delivered price ng palay na umaabot ng hanggang P28, habang ang puying price ng nasabing ahensya ay nasa P23 lamang.
Gayunpaman, maituturing ito bilang advantage sa mga magsasaka dahil kahit papaano ay mataas ang delivery price ng mga palay na inihahatid nila sa mga bodega ng mga trader.
Dagdag pa nito na resonable naman ang mataas na pagbili ng mga trader ng palay mula sa mga magsasaka sa gitna ng pagbaba ng produksyon lalo na ngayong umiiral pa rin ang El Niño phenomenon.
Sa kabila nito ay hindi naman aniya gaanong apektado ang kabuuang ani sa bansa, habang inaasahan namang tataas ang produksyon sa darating na Hunyo o Hulyo.
Kaugnay nito ay wala naman aniya silang namomonitor na nananamantala ng presyo ng bigas sa mga pamilihan sa gitna ng sitwasyon, subalit nakadepende naman ang naitatalang bahagyang pagbaba ng presyo ng bigas sa mga pailihan sa kung hanggang kailan mananaig ang tagtuyot sa bansa.
Samantala, umaasa naman sila na maipapasa ang naging pagamyenda sa Anti-Agricultural Smuggling Law nang sa gayon ay maging mas mabilis ang mga pagtugon ng pamahalaan at ng itatalagang grupo na tututok sa pagpapatupad nito sa mga suliraning kinakaharap sa sektor ng agrikultura partikular na ang smuggling.