DAGUPAN CITY- 24 taon nang nailunsad ang Republic Act no. 9003 o ang Ecological Solid Waste Management Act of 2000 ngunit wala pa rin itong maayos na implementasyon sa iba’t ibang Local Government Units.
Sa panayam ng Bombo Radyo Dagupan kay Eloisa Tolentino, Zero Waste Coalition, kung tunay lamang itong naipapatupad ay hindi na mahihirapan ang bawat isa sa mga kalat.
Magkakaroon kase aniya ng kamalayan ang mga tao na may kaukulang kaparusahan ang hindi tamang pagtapon ng mga ito.
Samantala, pinuri naman niya ang hhindi nawalang suporta ng mga waste workers sa iba’t ibang bahagi ng bansa nitong isinagawang bisita iglesia sa nakaraang Semana Santa.
Dahil umano sa mga waste worker ay napanatili ang kalinisan sa ibang bahagi ng bansa nitong holy week.Ikinatuwa din ng kanilang samahan ang pananatiling malinis ng mga simbahan simula huwebes hanggang biyernes santo.
Ngunit ikinadismaya naman nila ang iniwang kalat ng mga nakilahok sa alay lakad partikular na sa lungsod ng Antipolo.
Hindi man ganoon karamihan ang nakilahok kumpara noong nakaraang taon, inaasahan pa rin nilang hindi rin karamihan ang mga basura.
Naniniwala naman sina Tolentino na nagkakaroon na din ng pagbabago ang mga tao dahil din sa impluwensya ng simbahan sa komunidad.
Aniya, nakikita nilang unti-unting naisasabuhay ng mga tao ang Laudato Si ni Pope Francis na “Care For Our Home.“
Inaasahan nilang magpapatuloy sa magandang kasanayan ng kalinisan ang mga natutong kristiyano dahil dapat bitbit nila ang disiplina kaugnay na pagiging malinis sa kapaligiran.