DAGUPAN, City- Kinakailangan lamang ng maayos na dayalogo para makuha ang nais na hinaing ng sektor ng transportasyon at mga draybers.

Ito ang panawagan ni Obet Martin, National President ng Pasang Masda mga kapwa nito lider at miyembro ng mga transport groups na mas mainam na direktang makipag-usap at makipag-ugnayan sa pamunuan ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) at Department of Transportation (DOTr) upang maresolba at matugunan ang iba’t ibang mga problema ng kanilang sektor.

Kasunod ito ng kasalukuyang pagsasagawa ng ilang mga kagaya nilang mga transport group ng tigil pasada sa ilang bahagi ng Metro Manila at kalapit na lugar.

--Ads--

Ayon kay Martin, imbes na idaan sa transport strike para matugunan ang kanilang mga hinaing, ang maayos na pakikipag-ugnayan ang sagot para mailapit ang kanilang suliranin.

Aniya, sa kanyang tagal na rin sa pagkikiisa noon sa mga ganitong protesta ay wala naman umano silang nakuha bukod sa pinsala sa operators, mamamayan, at mga commuters.

Bukod pa rito kung ikukumpara umano sa mga nakalipas na mga naupo bilang chairperson ng LTFRB, mas madali ani Martin na makausap ang kasalukuyang nakaupo rito na si Atty. Teofilo Guadiz III at gayundin naman ang kasalukuyang kalihim ng DOTr na si Jaime Bautista.

Sa kanilang ginawang hakbang, positibo naman aniya ang naging pagtugon dito ng mga opisyal at katunayan ay marami naman umano ang napagbigyang mga hiling ng kanilang mga grupo gaya na lamang paghahain ng motion for reconsideration sa mga nag-expire ang prangkisa noong 2018 at napakiusapan na rin nila ang mga nabanggit na ahensiya kaugnay sa send and transfer para makakuha ng fuel subsidy.

Dagdag pa niya, matagal nang lumang tugtugin ang nabanggit na hakbang at panahon na umano na magkaroon ng mas magandang ugnayan ang kanilang grupo sa nabanggit na mga tanggapan ng gobyerno.

Matatandaang hindi nakilahok ang Pasang Masda sa isinagawang transport holiday ng mga kagaya nilang grupo kamakailan dahil sa panawagan ng pag-extend ng deadline para sa Public Utility Vehicle Modernization Program (PUVMP)