Dagupan City – Iminungkahi ni Federation of Free Farmers na kung masyado nang luma ang nakaimbak na bigas ay mas mainam itong isubasta agad upang maiwasan ang pag-aaksaya at mapanatili ang kalidad ng suplay sa merkado.

Ayon kay Leonardo Montemayor, Chairman ng Federation of Free Farmers (FFF) tila huli na ang kasalukuyang pagsasagawa ng subasta dahil nagsimula na ang anihan ng palay sa iba’t ibang bahagi ng bansa.

Dahil dito aniya, inaasahang dadagsa ang lokal na ani sa merkado, na maaaring maapektuhan ng pagbebenta ng lumang stock.

--Ads--

Sa kasalukuyan kasi ani Montemayor isinusubasta na ng National Food Authority (NFA) ang ilan sa mga nakaimbak na bigas, bagay na aniya’y lalong nagpapaliit sa espasyo para sa pagpasok ng bagong ani mula sa mga lokal na magsasaka.

Iginiit din nito na dapat sana ay ilang buwan pa lamang ang nakalilipas ay tinapos na ang naturang subasta at nairepaso ang inventory management ng ahensya.

Sa ganitong paraan aniya, maiiwasan ang last-minute na pagsusubasta na maaaring magdulot ng paghalo o pagkakasama ng bagong ani sa mga lumang stock.

Napansin din umano ni Montemayor na ang pagiging mabagal ng pagkilos ng NFA Council sa pagresolba ng isyu.

Samantala, binanggit din nito na tumaas ang presyo ng bigas sa bansa, lalo na ang imported rice, na patuloy na nagpapabigat sa gastusin ng mga mamimili.