Sa pagdiriwang ng Nutrition Month at National Disability Prevention and Rehabilitation Week, nagsagawa ng espesyal na programa ang mga guro ng Special Needs Education – Early Intervention sa West Central Elementary School I sa Lungsod ng Dagupan.

Isa sa mga tampok na aktibidad ang Five Senses Integration, na layuning linangin ang kakayahan ng mga batang may espesyal na pangangailangan sa pamamagitan ng pagpapasigla sa kanilang limang pandama—paningin, pandinig, pang-amoy, panlasa, at pandama.

Ang ganitong uri ng maagang interbensyon ay mahalaga upang matulungan ang mga bata na mas mapaunlad ang kanilang kakayahang mag-isip, makipag-ugnayan, at makibahagi sa mga aktibidad na angkop sa kanilang edad at kalagayan.

Sa tulong ng mga makabuluhang gawain, naipadama ng mga guro ang suporta at malasakit sa mga mag-aaral na nangangailangan ng mas pinong atensyon at pang-unawa.

Katuwang sa aktibidad ang mga magulang at ilang miyembro ng komunidad, na nagpapakita ng pagkakaisa para sa isang inklusibong edukasyon para sa lahat.