BOMBO DAGUPAN – Parte na ng buhay ang magsakripisyo lalo na sa isang inang tumatayo hindi lang bilang ilaw ng tahanan kundi maging haligi rin. Hahamakin ang lahat mabigyan lang ng magandang kinabukasan ang kanyang mga anak.

Para kay Maam Carolina Casison, ang Bombo International News Correspondent sa bansang Israel, isang malaking bahagi ng kanyang pakikipagsapalaran sa ibang bansa ang kaniyang mga anak gayundin ang kaniyang pamilya.

Tubong Manaoag, Pangasinan si Maam Carolina. Pangatlo sa kanilang 9 na magkakapatid. Siya ang tumatayong nanay at tatay ng kaniyang mga anak dahil taong 2003 ay pumanaw ang kaniyang mahal na asawa. Dahil sa kagustuhang mabigyan ng magandang kinabukasan ang kaniyang mga anak, kahit mahirap ay sinubukan niyang makipagsapalaran sa ibang bansa.Una nga ay naiwan sa pangangalaga ng kanyang biyenan, hanggang sa kanyang mga magulang at kapatid ang kanyang tatlong mga anak.

--Ads--

Hindi niya man kagustuhan na mawalay sa kanyang mga anak subalit kung hindi niya susubukan ay hindi niya mabubuhay ang kanyang mag anak na siya na lamang ang inaasahan. Ang lahat ng responsibilidad ay sakanya na lamang nakaatang at tanging sarili na lamang niya ang makapagbibigay ng suporta sa kanyang mga anak.

Isang saleslady si Maam Carolina dito sa Pinas noong siya ay dalaga pa hanggang sa sinubukan niyang makipag-sapalaran sa bansang singapore ng apat na taon. Noong makabalik siya sa Pinas ay doon palang siya nakapag-asawa. Subalit sadyang mapaglaro talaga ang kapalaran dahil taong 2003 ay pumanaw ang kanyang mahal na asawa dahil sa aksidente. Nakipagsapalaran nga rin siya sa bansang hongkong hanggang sa kalaunay lumipat ng bansa at isa na nga siya ngayong caregiver sa bansang Israel. Taong 2008 nang siya ay mapadpad sa nasabing bansa at mag lalabing anim na taon na siya doon na nagtatrabaho. Sa loob nga ng 16 na taon ay hindi man lang siya nakauwi upang makapiling man lang sana ang kaniyang mga anak at pamilya. Tanging sa telepono lang niya nakakausap at nakikita ang kanyang mga anak na kapwa mga dalaga’t binata na sa ngayon.

Napakalaking adjustment nga ang ginawa ni maam Carolina ng tumungtong na siya sa bansang Israel dahil hebrew nga ang salita doon ng kaniyang amo ay hindi niya talaga ito maintindihan at makausap manlang. Malaki ding bagay ang pagkakaiba natin sa relihiyon na sobrang ikina culture shock ni maam carolina ang deperensya. Sobrang mahirap ngunit unti-unti ay nakapag-adjust din siya at na-adopt ang kanilang kultura.

Marami ngang hindi makakalimutan si Maam Carolina sa bansang Israel dahil dito niya nakilala at nakasalamuha ang iba’t ibang klase at ugali ng mga tao. Noong una buong akala niya ay mababait lahat ng tao doon dahil nga ito ay holy land ang mindset niya ay lahat ng mga taong pakikitunguhan at makikilala niya ay mga mabubuti at mababait na tao. Subalit malaki talaga ang naging kaibahan ng kanyang ekspektasyon sa naging reyalidad ng kaniyang pakikipagsapalaran sa nasabing bansa.

Aniya ay may positive at negative side talaga ang mga tao, kahit saang bansa o lugar ka man mapadpad may mga mabubuti at masasama talaga ang ugali. Kaya’t kailangan mo talagang makisama at makitungo sa kanila ng tama dahil wala ka sa sarili mong bayan at malayo ka sa mga mahal mo sa buhay.

Sa kasalukuyan ay nasa bansang Israel parin si Maam Carolina at sobrang namimiss na nga raw niya ang mga pagkain dito sa pinas gayundin ang bayanihan at ugaling Pilipino na likas na ang pakikipagtulungan sa kapwa at paggalang sa mga nakatatanda sa kanila. Kahit nga hindi siya nakauwi sa pinas sa loob ng 16 na taon ay nanatili parin siyang matatag at nagsisilbing motibasyon niya ang kanyang mga anak upang magpatuloy sa pakikipagsapalaran sa ibang bansa.

Napagtapos na nga niya ng kolehiyo ang kanyang dalawang anak at tanging ang bunso na lamang niya ang nag-aaral sa ngayon. Ang kanyang panganay ay nakapagtapos sa kursong B.S Tourism, ang pangalawa ay B.S Business Management at ang kanyang bunsong lalaki ay kumukuha ng kursong Mechanical Engineering.

Hindi nga nawala ang kanyang pananampalataya sa diyos na siya ring pinanghuhugutan niya ng lakas at sigla sa pang-araw-araw. Kayat may sinalihan siyang church gawain ng grupo ng Elshaddai israel chapter gayundin ang mga internet bible study na hanggang ngayon ay kasali siya.

Kahit nga namimiss niya ang kaniyang pamilya dito sa Pilipinas ay sobrang na-eenjoy niya rin ang mga bonding at mga trip ng kanyang mga kasamahan sa bansang Israel.Ika niya ay maraming mapagkakaabalahan ang mga Pinoy sa naturang bansa.

Paalala nga niya sa mga kapwa Pilipino niya na nais mangibang bansa dapat ay dapat maging matiyaga at mapagpasensiya lalo na kung hindi mo naiintindihan ang lenggawahe ng bansang iyong patutunguhan o pagtatrabahuan.

Nais na nga sana niyang umuwi ng pinas for good subalit hihintayin niya munang makapagtapos ang kaniyang bunsong anak at susubukang makapag-ipon upang pagkabalik niya ng pinas ay balak niyang magnegosyo upang may pagkakakitaan siya.

Bilang isang OFW lalo na bilang isang single parent ika niya ay be strong and have faith in God dahil lahat ay posible basta’t magtiwala ka lamang sa kaniya.

Karagdagan pa ni Maam Carolina na dapat ay maging wise sa lahat ng iyong gagawin lalong lalo na sa iyong sahod para sa pagtanda ay may magagamit o dudukutin ka.