Hindi lamang pagdiriwang kundi isang matinding panawagan para sa katarungan ang mensahe ng Magsasaka Partylist sa paggunita ng Buwan ng mga Magsasaka at Mangingisda ngayong Mayo.
Sa isang eksklusibong panayam sa Bombo Radyo Dagupan, inihayag ni Atty. Argel Cabatbat, Chairman ng Magsasaka Partylist, ang mga “masasakit sa loob” na realidad na kinakaharap ng mga tagapagpakain ng bansa—mula sa pang-aagaw ng lupa hanggang sa kurapsyon sa ayuda.
Binigyang-diin ni Cabatbat ang talamak na isyu ng pagbawi ng gobyerno sa mga lupang naibigay na sa mga magsasaka sa ilalim ng Comprehensive Agrarian Reform Program (CARP). Ayon sa kanya, sa mga lugar tulad ng Mindoro, Negros, at Quezon, marami ang napapalayas dahil sa paglilipat ng gamit ng lupa patungong “industrial zones”.
“Kapagka away sa lupa, parang nagreresulta sa dahas,” ani Cabatbat, habang ikinukwento ang malagim na sinapit ng mga magsasaka sa Mindoro na pinaslang ilang araw matapos silang bisitahin para sa kanilang laban sa lupa.
Sa gitna nito, nakikipagtulungan ang partylist sa Department of Agrarian Reform (DAR) para sa “Split Program” upang mahati ang mga collective title (CLOA) at mabigyan ng indibidwal na titulo ang bawat magsasaka.
Bagama’t kritikal sa ilang polisiya, pinuri ni Cabatbat ang kasalukuyang hakbang ni DA Secretary Francisco Tiu Laurel Jr. at ng administrasyon sa paglimita sa presyo ng imported na bigas sa Php50 sa pamamagitan ng Executive Order No. 118.
Ibinunyag ni Cabatbat na ang landing cost ng imported na bigas ay nasa Php25 lamang, ngunit ibinebenta ito ng mga trader sa merkado ng hanggang Php60 hanggang Php70. “Sinasagasahan niya ngayon ‘yung mga importer… magagalit ‘yung mga importer sa kanya pero kahit papaano matutuwa naman ang mga consumers,” pahayag ni Cabatbat.
Hindi rin pinalampas ng abogado ang mga ulat ng anomalya sa pamamahagi ng financial assistance. Kinuwestiyon niya ang pag-obliga sa mga magsasaka na maghintay ng matagal sa ilalim ng matinding init para lamang sa presensya ng mga politiko.
Higit na nakakaalarma ang mga report na ang dapat ay Php5,000 na ayuda ay nababawasan at Php500 na lamang ang nakakarating sa kamay ng magsasaka. Nanawagan siya sa Ombudsman na imbestigahan ang mga nagnanakaw sa pondo ng bayan.
Dahil sa banta ng El Niño, hinimok ni Cabatbat ang mga magsasaka na mag-adjust sa pamamagitan ng “crop diversification” o pagtatanim ng mga alternatibong pananim gaya ng monggo at ube na hindi nangangailangan ng masyadong maraming tubig.
“Necessity is the mother of invention,” aniya, sabay giit na dapat maging bukas ang mga magsasaka sa mga bagong paraan ng pagsasaka upang makaangkop sa nagbabagong panahon.










