DAGUPAN CITY- Ideneklara na sa state of calamity ang lungsod ng Dagupan dahil sa malawakang pagbahang nararanasan dulot ng nagdaang epekto ng bagyong crising at pag-ulang dulot ng habagat.

Sa isinagawang special session ng Sangguniang panlungsod kanina na dinaluhan ng mga Department Heads at konsehal ay agad na inaprubahan ang request ng alkalde na itaas na sa state of calamity ang lungsod nanakabatay sa Resolution no.074 series of 2025.

Ayon kay Mayor Belen Fernandez na apektado na lahat ng 31 barangay sa baha na dala na din ng mataas na tubig na sinabayan pa ng hightide na aabot sa 4.33 talampakan at pagrelease ng 2 dam na lalong ikinataas ng tubig baha.

--Ads--

Aabot na mahigit 42 libong indibidwal ang naapektuhan nito kung saan may mga 521 families na ang lumikas dahil sa taas ng tubig sa kanilang mga barangay.

Nasa 23 evacuation centers naman ang binuksan para sa mga evacuees kung saan karamihan dito ay napupuno na kaya inaasahan pa na madadagdagan ito sa pakikipag-ugnayan sa Department of Education na gagamiting paaralan.

Agad namang binibigyang tugon ang pangangailangan ng mga evacuees sa tulong MSWDO, CHO at iba pang departmentong tumutulong dito.

Sa pamamagitan ng pagsasailalim ng state of calamity ay mapapabilis ang paglalabas ng pondo para sa tulong sa mga apektado barangay, pagtugon sa flood mitigation program at iba pa.

Sa ngayon ay tuloy-tuloy ang kanilang mga rescue operations at paghahatid ng tulong sa kanyang nasasakupan habang inaasahan pa na mas tataas pa ang lebel ng tubig sa mga darating na araw dulot ng mga bagyong aasahang mananalasa pa sa bansa.